CAUAYAN CITY- Isang Sangguniang Bayan member ng San Isidro, Isabela ang nasawi matapos na tamaan ng COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinumpirma ni Mayor Vilmer Bravo na ang nasawi ay si SB member Froilan Tumamao.
Aniya, nagkaroon ng sintomas ng COVID-19 si SB member Tumamao nang magpunta siya sa isang pagamutan kung saan naka-admit ang isa niyang kamag-anak na positibo sa COVID-19 at kalaunan ay nasawi rin dahil sa virus.
Gayunman ay binalewala lamang niya ang kanyang nararamdaman at nag-isolate lamang pero sumailalim pa rin sa swab test at lumabas na positibo sa COVID-19.
Nagpadala na lamang siya sa pagamutan nang malala na ang kanyang sitwasyon pero dalawang ospital pa ang kanyang pinuntahan dahil may scheduling bunsod ng pagkapuno ng mga pagamutan sa ngayon.
Aniya, sa ospital na namatay ang SB member kaninang umaga at bilang pagtalima sa protocol ay ililibing din siya agad.
Sa ngayon ay nakalockdown ng tatlong araw ang munisipyo ng San Isidro at nagsasagawa na ng malawakang SWAB testing dahil nakadalo pa sa huling session ng Sangguniang Bayan si SB member Tumamao.
Gayunman ay noong lunes pa siya nang huling pumunta sa kanilang munisipyo.
Aniya, may sintomas man o wala ay magpapa-swab test.
Ayon pa kay Mayor Bravo, dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan ay plano na niyang higpitan ang mga restrictions lalo na at karamihan sa mga nakakahawa sa mga nagpopositibo ay nagtatrabaho sa mga karatig nilang lugar.
Hiniling naman niya ang pakikipagtulungan ng kanyang mga kababayan at manatili lamang sa kanilang bahay kung hindi naman mahalaga ang kanilang gagawin sa labas.