Puspusan na umano ang paghahanap ng paraan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) upang makabalik sa Amerika sa lalong madaling panahon si Kai Sotto at makasamang muli sa koponan nito sa NBA G League.
Ito’y makaraang kumpirmahin ng SBP na kinansela na ang third window ng 2021 FIBA Asia Cup qualifiers na gaganapin sa Doha, Qatar dahil sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa mga opisyal ng SBP, dumidiskarte na sila upang matulungan si Sotto na makaalis na sa bansa matapos maantala ang nakatakda sana nitong kampanya sa Gilas Pilipinas.
Noong Pebrero 2 nang dumating si Sotto kasama ang kanyang amang si Ervin upang humabol sa training camp ng Gilas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Una rito, sa pahayag ng SBP, napilitan ang FIBA na kanselahin ang serye ng mga laro sa Qatar mula Pebrero 18 hanggang 23 dahil sa outbreak ng bagong COVID-19 strain sa kanilang bansa.
Hindi rin naitago ni SBP President Al Panlilio ang kalungkutan matapos ang kanselasyon ng mga laro.