Inanunsyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na nakakuha na sila ng approval mula sa National Task Force Against COVID-19 para umpisahan sa loob ng isang bubble campus sa Laguna ang pagsasanay ng Gilas Pilipinas na sasabak sa 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers.
Sa pahayag ni SBP President Al Panlilio, gagawin sa lungsod ng Calamba, Laguna ang pagsasanay ng Gilas players, na lalahok sa nasabing kompetisyon na gaganapin mula Nobyembre 26 hanggang 30 sa Manama, Bahrain.
“SBP Chairman Emeritus Manny V. Pangilinan, being part of the FIBA’s Central Board, has been adamant about our participation as FIBA restarts the Asia Cup Qualifiers to further strengthen our partnership with them and show that we’re completely behind them in this endeavor. MVP’s guidance has been pivotal throughout this process and we’re happy to finally get the green light,” saad ni Panlilio.
Una rito, inanunsyo ng SBP na babanderahan ni Angelo Kouame ang 16-man pool ng Gilas na maglalaro sa second window ng torneyo.
Maliban kay Kouame, tampok din ang mga Ateneo stars na sina Mike at Matt Nieto, Isaac Go, Dwight Ramos, Dave Ildefonso, ar Will Navarro.
Kasama rin sa listahan ang mga UP aces na sina Kobe Paras, Jaydee Tungcab, at Juan at Javi Gomez de Liaño.
Maging ang mga special Gilas draftees na sina Rey Suerte at Allyn Bulanadi, La Salle stalwart Justine Baltazar, at San Beda standouts Calvin Oftana at Kemark Cariño ay kabilang din sa pool.
Nakatakdang makipagtuos ang Pilipinas sa Thailand nang dalawang beses sa Nobyembre 26 at 30 sa isang bubble sa Manama, Bahrain.