Hinihintay pa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang pasya ng FIBA kaugnay sa nakansela nilang laban kontra Korea sa FIBA Asia Cup qualifiers na isinasagawa sa loob ng isang bubble sa Manama, Bahrain.
Ayon kay SBP president Al Panlilio, wala pa silang natatanggap na anumang komunikasyon mula sa panig ng FIBA tungkol sa nakatakdang laban ng Gilas Pilipinas kontra Korea na gagawin sana sa Bahrain bubble, hanggang sa nagpasya ang kanilang pederasyon na huwag nang magpadala ng koponan sa qualifiers dahil sa COVID-19 pandemic.
“I think Fiba will decide on that after the window,” wika ni Panlilio.
“They haven’t told us anything except ‘yung calendar and we will play Thailand lang. They wanted us to play Indonesia actually but sabi lang namin, we are just following competition schedule. We were really supposed to play them in February so we’d rather play them in February instead,” dagdag nito.
Ayaw rin aniya nito na magbigay ng kanyang ispekulasyon kaugnay sa magiging pasya ng FIBA sapagkat naiintindihan niya raw na mahirap ang kasalukuyang sitwasyon.
“Again, it’s Fiba’s decision but technically, from any tournament, kapag may scheduled game, kapag hindi sumipot ‘yung kalaban, jumpball, score two points, and then forfeit. Normally ganyan. I think Fiba is looking at the bigger picture. A lot of teams are affected. Very unusual times kasi. Hindi naman ito regular time na hindi sila nakarating. There’s a real reason for the pandemic,” ani Panlilio.
Nitong Biyernes nang itala ng Gilas ang 93-61 pagmasaker sa Thailand, kaya tabla na ang Pilipinas sa Korea sa standings sa Group A ng kompetisyon.
Ang top two teams sa anim na grupo ang aabanse sa competition proper sa 2021.