Ibinunyag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na kukuha muna sila ng interim o pansamantalang head coach na hahawak sa men’s national basketball team na sasabak sa 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers.
Wala pa kasing nahahanap na full-time head coach ang SBP para permanenteng manduhan ang Gilas Pilipinas, na bubuksan na ang kanilang kampanya sa qualifiers sa Pebrero kung saan haharapin nila ang Thailand sa 20 at ang Indonesia sa 23.
Paliwanag ni SBP president Al Panlilio, matapos ang opening salvo ay mabibigyan sila ng sapat na panahon upang makakuha ng tamang coach na dedicated sa koponan dahil sa Nobyembre pa ang susunod na window.
“But the next window is November. It gives us time now to set-up the right coach moving forward. It has to be a full-time coach for the program,” wika ni Panlilio.
Hindi na rin kasi sila maaaring kumuha pa ng mga coach sa mga ball clubs gaya sa PBA dahil sa mahahati ang commitments ng mga ito.
“All coaches are always in consideration but they have commitments to the ball clubs that they have today. Ang usapan kasi with Tim [Cone] is just the SEA Games. Now, he is also busy with the Finals,” ani Panlilio.
Maalalang umupo muna bilang head coach ng Gilas si Tim Cone ng Barangay Ginebra upang gabayan ang team sa naging kampanya nila sa 30th Southeast Asian Games.
Samantala, kinumpirma ng SBP na kasama sa bagong Gilas pool ang mga amateur players na sina Thirdy ravena ng Ateneo, at si Jaydee Tungcab ng University of the Philippines.
Ayon kay Panlilio na personal umano silang pinili ni Tab Baldwin, na nakatakda nang umupo bilang program director ng national team.