Sinimulan na umano ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang inisyal na pagpaplano at preparasyon para sa 2023 FIBA World Cup kung saan isa sa mga co-host ang bansa.
Ayon kay SBP chairman emeritus Manny V. Pangilinan, batid nilang titingin ang lahat ng mga mata sa bansa dahil sa pagiging host ng naturang torneyo.
Paliwanag ni Pangilinan, nais nilang ibigay sa mga manonood at mga bisita ang kakaibang mga karanasan, at ang pagpapamalas ng Filipino hospitality.
Bagama’t aminado si MVP na kaakibat nito ang mas matinding pressure sa Gilas Pilipinas, maganda pa rin daw ito para mas magpursigi ang national team.
Dalawang linggo nang nasa China ang SBP officials sa pamumuno ni executive director Sonny Barrios upang obserbahan ang Local Organizing Committee sa paghawak nito sa malaking event gaya ng World Cup.
Kasama ng Pilipinas na magiging host ng susunod na edisyon ng World Cup ang Japan at Indonesia.