Inamin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na minamadali na nila ang paghahanap sa tatayong pansamantalang head coach ng Philippine men’s basketball team na sasabak sa 2021 FIBA Asia Cup qualifiers.
Sa susunod na buwan na kasi bubuksan ng Pilipinas ang kanilang kampanya sa unang window ng qualifiers kung saan haharapin nila ang Thailand sa Pebrero 20 at ang Indonesia sa Pebrero 23.
Ayon kay SBP president Al Panlilio, pinag-aaralan pa nila nang maigi ang mga nakalatag na opsyon hinggil sa paksa.
Wala naman daw sila magiging problema matapos ang February window dahil makakapag-focus na sila sa paghahanap ng full-time coach, maging ang pagbuo ng pool ng mga naturalized players na maaaring ilaban sa mga international competitions at iba pang mga detalye sa national team program.
Sinabi pa ni Panlilio, puwede rin sana nilang kunin ang Gilas team na nakasungkit ng ginto sa Southeast Asian Games para lumahok muna sa first window ng qualifiers, ngunit hindi na nila ito ginawa dahil sa ilang mga konsiderasyon.
Sa ngayon, binubuo pa rin nila ang mga magiging komposisyon ng Gilas squad na ayon kay Panlilio ay magiging “hybrid” dahil sa katatampukan ito ng mga amateur at beteranong players.
Kabilang sa core ng koponan ang limang players na napili sa special rookie draft nitong Disyembre na sina Isaac Go, Rey Suerte, Matt Nieto, Allyn Bulanadi, at Mike Nieto, pati na rin sila Thirdy Ravena at JD Tungcab.
Aalalay din sa team ang ilang mga PBA players, at posible ring kunin sinuman kina Stanley Pringle o Christian Standhardinger bilang naturalized player.