-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na umano ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa pamahalaan para matulungan si Kai Sotto na makauwi sa Pilipinas bago ang FIBA Asia Cup 2021 qualifiers.

Una rito, inanunsyo ng 18-anyos na si Sorro na nais nitong maglaro para sa Gilas Pilipinas sa ikatlo at huling window ng continental qualifiers, na gagawin sa loob ng isang bubble sa Clark, Pampanga mula Pebrero 17 hanggang 22.

Ayon kay Ryan Gregorio, special assistant ni SBP President Al Panlilio, maliban sa Inter-Agency Task Force, patuloy ang kanilang koordinasyon sa management team ni Sotto upang plantsahin ang mga detalye ng pag-uwi ng 7-foot-3 sensation.

Kasalukuyang nagsasanay si Sotto sa Walnut Creek, California kasama ang kanyang G League team na Ignite.

Nakatakda ring sumabak ang koponan sa G League season na isasagawa rin sa loob ng bubble sa Orlando, Florida sa buwan din ng Pebrero.

Sinabi pa ni Gregorio, binigyan na raw si Sotto ng pahintulot ng Team Ignite na mawala muna ng ilang laro sa G League season at lumahok sa FIBA Asia Cup.

Ang isyu aniya ngayon ay kung kailan makakalipad pabalik ng bansa si Sotto, dahil kailangan pa nitong sumailalim sa mandatory 14-day quarantine.

“Ang talagang finality na lang on the logistical requirements para makarating siya sa ating bansa,” ani Gregorio.

“Mas maganda sana kung mas maaga, but narito na tayo. Ang sinasabi lang natin is sana makarating na, tapos ‘yung mga unknown, problemahin na lang natin ‘pagka dumating na siya,” dagdag nito.