Naniniwala ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na posibleng sa Hunyo na matuloy ang third window ng FIBA Asia Cup qualifiers na ipinagpaliban noong nakaraang buwan.
Sa isang panayam, sinabi ni SBP executive director Sonny Barrios na sa ngayon, ang tentative schedule ng kompetisyon ay Hunyo 14 hanggang 20.
“[Fiba] has not released anything official but that’s what they’re looking at right now,” ani Barrios.
Kung maaalala, dalawang beses nang hindi natuloy ang torneyo matapos mapuwersa ang Pilipinas at Qatar na umatras sa pag-host ng qualifiers dahil sa travel restrictions dulot ng COVID-19 pandemic.
Gayunman, ibinalik ng FIBA ang hosting duties sa Pilipinas kung saan nakatakdang mag-host ang Clark ng dalawang grupo.
Dagdag pa ni Barrios, target ng Gilas Pilipinas na pumasok muli sa bubble sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna mula Marso 15 hanggang Abril 15.
Isa pa aniyang plano sa Gilas ay ang pagpapatuloy ng kanilang pagsasanay sa ibayong dagat.