Inatasan ng Korte Suprema ang House Quad Committee na magkomento sa petisyon ni dating presidential spokesperson Harry Roque na pagbawalan silang ipatawag siya sa mga susunod na pagdinig.
Binigyang ng Mataas na Hukuman ang komite ng 10 araw mula ng matanggap ang resolusyon ng korte sa petisyon ni Roque para magkomento sa plea for prohibition.
Ang desisyon ng korte ay kasabay ng pagtanggi nito sa petisyon ni Roque para sa writ of amparo laban sa House Quad Comm na nagsasagawa ng mga pagdinig sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at iba pang mga isyu na nauugnay sa dating administrasyong Duterte, at sinabing ang naturang remedyo ay hindi naaangkop sa kanyang sitwasyon dahil limitado lang ang amparo sa extralegal killings, enforced disappearances at mga banta.
Kasalukuyan ngang may detention order ang House committee laban kay Roque matapos na ma-cite in contempt dahil sa pagtanggi niyang isumite ang mga hinihinging dokumento para ipaliwanag ang biglaang paglobo ng kaniyang yaman na iniuugnay sa ilegal na operasyon ng POGO.