-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Pinuri ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pinal na paglalabas ng Supreme Court (SC) ng desisyon hinggil sa isyu ng same sex marriage sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni IBP President Atty. Domingo “Egon” Cayosa na ito ay magsisilbing “giya” upang maliwanagan ang mga nagsusulong at kontra sa pag-iisang dibdib ng may magkaparehas na kasarian.

Ayon kay Cayosa, may malinaw na basehan ang SC sa pagbasura sa mosyon kaugnay ng petisyon para gawing legal ang same sex marriage sa bansa dahil naaayon ito sa umiiral na batas, kultura at tradisyon ng mga Pilipino.

Paliwanag pa ng IBP, ang Korte Suprema na rin ang nagsabi na hindi nito maaaring iutos o puwersahin ang sinumang sektor o ahensiya ng gobyerno na ipatupad ang same sex marriage.

Gayunman, nilinaw ng IBP na maaari namang gumawa ang Kongreso ng batas hinggil sa pagbibigay proteksyon at katiyakan sa relasyon ng magkaparehong kasarian.

Ngunit hindi aniya ito ituturing na tulad ng kasal sa pagitan ng lalaki at babae.