Hindi pinagbigyan ng Korte Suprema ang writ of amparo na inihain ng kampo ni dating presidential spokesperson Atty Harry Roque.
Maalalang inihain ng kanyang anak ang naturang petisyon para humingi ng special protection para kay Roque sa hangaring mapigilan ang pagpilit sa kanya ng Quad Committee ng Kamara na padaluhin sa mga pagdinig.
Inihain ito noong Setyembre 23 at inilabas ng SC ang desisyon nito ngayong araw.
Katwiran ng kampo ni Roque sa inihaing petisyon, dapat ay respetuhin sana sa mga legislative inquiry ang karapatan ng mga indibidwal na naiimbitahan o apektado sa mga pagdinig.
Pero paliwanag ni Supreme Court spokesperson Camille Ting, ang scope ng writ for amparo ay limitado lamang para sa mga extra-judicial killings at mga bantang bumabalot nito na hindi umano makikita sa kaso ni Roque.
Bago nito ay idineklara na ng Kamara si Atty Roque bilang pugante matapos ang ilang pagkakataon na hindi siya mahanap upang isilbi sana ang arrest order laban sa kanya.
Ang mga arrest order na ito ay bunsod na rin ng pagkaka-contempt nito sa Kamara kasunod ng kabiguang magpakita ng mga katibayan ukol sa umano’y paglobo ng yaman ng kanyang pamilya.