Nanindigan ang Korte Suprema na hindi dapat magdusa ang mga kliyente sa pagkakamali ng kanilang mga abogado na nagresulta upang mapagkaitan sila ng hustisya.
Batay sa desisyon na inilabas ng SC 3rd Division, kinatigan nito ang petisyon ng isang grupo ng mga manggagawa laban sa pagbasura ng Court of Appeals sa kahilingan nito na magkaroon ng dagdag na panahon sa paghahain ng kanilang pleading.
Ang apela na ito ay ginawa matapos na mabigong magawa ng kanilang tumatayong abogado ang kanyang trabaho.
Kaugnay ito sa inihain nilang illegal dismissal case sa Labor Arbiter at National Labor Relations Commissions laban sa kanilang employer.
Nang ito ay ibinasura ng korte ay inakyat nila ito sa Court of Appeals at binigyan sila ng 60 days ( December 10, 2022) para makapag hain ng petition for certiorari.
Matapos na matanggap ng abogado ang kaukulang bayad para sa kanyang serbisyo ay nabigo ito makapaghain ng petisyon.
Dahil dito ay umapelang muli ang kanilang kampo ng 30 araw o hanggang Enero 10, 2023 upang makahanap ng bagong tatayong abogado at upang maihain ang petition for certiorari.
Ang apelang ito ay tinanggihan ng Court of Appeals.
Sa desisyon ng SC, binigyang diin nito na sa kabila ng pagkakaroon ng 60 days na palugit o deadline, maaari itong payagan ang pagbibigay ng extension kung may reasonable grounds.
Ipinag-utos na ng Korte Suprema sa Court of Appeals na dinggin ang kanilang kaso kung saan binigyang diin na sa ilalim ng batas ay may pangangailangang protektahan ang mga mahihina at walang kapangyarihan sa lipunan.