-- Advertisements --

Hinirang ng Supreme Court (SC) si retired Philippine National Police (PNP) general Manuel R. Gaerlan bilang unang Judiciary’s Chief Marshal sa ilalim ng bagong tatag na Office of the Judiciary Marshal (OJM).

Nanumpa si Gaerlan sa kanyang posisyon kahapon, Marso 10, sa harap ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa session hall ng Korte Suprema.

Ipatutupad ni Gaerlan ang Judiciary Marshals Act, na naglalayon ng seguridad, kaligtasan, at proteksyon para sa mga miyembro, opisyal, kawani, at ari-arian ng lahat ng korte sa bansa.

Ang Office of the Judiciary Marshal ay itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 11691 na ipinasa noong 2022, kung saan magbibigay ng proteksyon sa integridad ng mga paglilitis sa lahat ng korte sa Pilipinas.

Bukod dito ang Office of the Judiciary Marshal din ay magsisilbi sa ilalim ng direktang pangangasiwaan at kontrol ng SC kung saan may kapangyarihang magsagawa ng imbestigasyon, magsagawa ng mga lehitimong pag-aresto tungkol sa graft at corruption, at tumulong sa pagpapatupad ng mga writs at proseso ng korte.

Bukod pa rito, ang Office of the Judiciary Marshal ay may kapangyarihang mag-imbestiga sa mga krimeng ginawa laban sa mga miyembro ng judiciary pati na rin sa mga akusasyon ng katiwalian sa loob ng hudikatura.

May kakayahan din ang Office of the Judiciary Marshal na mag-isyu ng subpoena, mag-aplay ng search warrants, mag-administer ng mga oaths, at mag-access ng mga public records mula sa ibang ahensya ng gobyerno, habang sumusunod sa mga probisyon ng Data Privacy Act.