-- Advertisements --

Inilipat ng Korte Suprema ang pagsasagawa ng oral arguments para sa paglilipat ng pondo ng PhilHealth, isyu sa 2025 national budget at Maharlika Investment Fund (MIF).

Ayon Kay SC spokesperson Camille Ting, isasagawa ang oral arguments sa petisyon naglalayong harangin ang paglilipat ng PhilHealth funds sa national treasury sa Abril 2 at 3 maging sa Abril 4 kung kakailanganin, na gaganapin sa SC compound sa Baguio city.

Habang ang oral arguments naman para sa petisyong kumukwestyon sa legalidad ng 2025 budget ay inilipat sa Mayo 19.

Kinukwestyon sa petisyon ang umano’y mga iregularidad at blankong items sa bicameral committee report sa 2025 budget.

Samantala, ang oral arguments naman para sa petisyong naglalayong ideklarang unconstitutional ang MIF ay sa Hulyo 8 at 9.

Sa pagkwestyon sa kontrobersiyal na MIF, ikinatuwiran ng mga petitioner na nabigo ang MIF na matugunan ang hamon sa economic viability, nilabag ang kasarinlan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at ang sertipikasyon ng Pangulo ng MIF bill sa House of Representatives at sa Senado ay hindi sumunod sa requirements sa ilalim ng Konstitusyon ng Pilipinas.