-- Advertisements --

Naglabas ng show cause order ang Supreme Court (SC) na nag-aatas sa ilang mataas na opisyal ng gobyerno na ipaliwanag kung bakit hindi dapat maglabas ng writ of habeas corpus kay dating Pangulong Rodrigo Duterte upang makabalik sa Pilipinas.

Screengrab from Supreme Court / FB

Kung saan ay nasa kustodiya si Duterte ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, dahil sa mga kasong crimes against humanity.

Ang naturang petisyon ay nabatid na isinampa ni Davao City Rep. Paolo ”Pulong” Duterte, na humihiling ng pagpapalaya ng kanyang ama sa pamamagitan ng writ of habeas corpus.

Pinagsama rin ng Korte Suprema ang petisyon ni Rep. Duterte sa mga isinampa ng kanyang mga kapatid na sina Sebastian at Veronica Duterte, na nag-file rin ng kani-kanilang petisyon noong umaga nang Marso 12.

Nagdesisyon ang SC En Banc na utusan ang mga respondents ng mga pinagsamang petisyon na magpakita ng dahilan sa loob ng 24 oras mula ng matanggap ang abiso kung bakit hindi dapat mailabas ang writ of habeas corpus.

Ang writ of habeas corpus ay isang legal na kautusan na nag-uutos sa mga taong nagtatago ng isang indibidwal at ipaliwanag ang mga dahilan ng kanyang pagkakakulong.