Kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon ng Ombudsman na ibinasura ang graft complaint na inihain laban sa dalawang opisyal ng Army dahil sa hindi umano nilang pagprotekta sa mga mamamahayag na kabilang sa 58 indibidwal na napatay noong 2009 Maguindanao massacre.
Sa inilabas na desisyon ng SC Second Division, wala itong nakita na anumang uri ng grave abuse of discretion ng ipawalang sala ng Ombudsman si Army Maj. General Alfredo Cayton Jr. at Col. Medardo Geslani sa kanilang pananagutan.
Si Cayton ang commanding general ng 6th Infantry Division ng Army na nakabase sa Awang, Cotabato habang si Geslani ay commanding officer ng 601st Infantry Brigade.
Sina Cayton at Geslani ay kinasuhan dahil sa hindi pagbigay ng mga kahilingan para sa military security escort sa convoy ng kampo ng Mangudadatu mula Buluan, Maguindanao hanggang Shariff Aguak, na maghahain ng certificate of candidacy para sa 2010 gubernatorial run ni Buluan Vice Mayor Esmael “Toto. ” Mangudadatu.
Ang convoy ay hinarang ng mga armadong idineploy ng angkan ng Ampatuan.
Hinamon naman ng mga petitioner ang pinagsamang resolusyon at utos ng Ombudsman noong Hunyo 22, 2011 at Oktubre 2, 2012 na nag-dismiss sa reklamo laban sa dalawang opisyal ng Army.
Giit ng SC sa pamamagitan ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, nabigo ang mga petitioners na makapag lagak ng matibay na ebidensya bilang suporta sa kanilang mga akusasyon.