Ipinag-utos na ni Chief Justice Lucas Bersamin ang reorganization ng mga dibisyon sa Supreme Court (SC).
Sa ilalim ng Special Order No. 2643 na pirmado ni Bersamin, magsasagawa ang SC ng balasahan kasunod ng pagpasok ng bagong associate justice ng SC na si Amy Lazaro-Javier.
Si Javier ang pumalit kay Justice Noel Tijam na nagretiro noong Enero 5, 2019.
Uupo si Bersamin bilang permanent Chairman ng SC First Division.
Ang working Chairman naman ng SC First Division ay si Justice Mariano del Castillo.
Ang ibang miyembro naman ay sina Justices Francis Jardeleza, Alexander Gesmundo at bagong talagang si Rosmari Carandang.
Sa Second Division, pangungunahan pa rin ito ni Senior Associate Justice Antonio Carpio kasama sina Associate Justices Estela Perlas-Bernabe, Benjamin Alfredo Caguioa, Jose Reyes Jr. at Javier.
Sa Third Division, ang chairman naman ay si Associate Justice Diosdado Peralta.
Kasama nito sa Third Division sina Associate Justices Marvic Mario Victor Leonen, Andres Reyes Jr. at Ramon Paul Hernando bilang regular members.
Sa ngayon, mayroon lamang 14 justices ang 15-member High Court.
Ang papalit naman kay Bersamin bilang associate justice matapos italagang chief justice ay iaanunsiyo pa ng Malacañang.