-- Advertisements --

Inatasan ngayon ng Supreme Court (SC) en banc si Associate Justice Diosdado Peralta na makipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para makakuha ng pangalan ng umano’y mga judges na sangkot sa iligal na droga.

Ang hakbang na ito ang magbibigay daan sa isasagawang fact finding at administrative investigation na isasagawa ng Korte Suprema laban sa 13 huwes na sinasabing sangkot sa iligal na droga.

Binigyang diin ng Korte Suprema na hindi nila kukunsintihin ang iligal at corrupt activities ng mga huwes sa bansa.

Una rito, nananawagan ang Korte Suprema sa PDEA ng kooperasyon kaugnay sa 13 judges na sinasabing sangkot sa illegal drug trade.

Nais daw kasi nilang imbestigahan mismo ang 13 judges na napasama sa pinakahuling narco list na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte pero ayaw makipag-cooperate ng PDEA.

Hiningi raw ng kataas-taasang hukuman ang pangalan ng 13 huwes sa PDEA pero ayaw nilang magbigay nang ano mang impormasyon.

Una na ring inimbestigahan noon ng Korte Suprema ang apat na huwes na kasama sa unang narco-list ng pangulo noong 2016 kasama rito sina Exequil Dagala ng Dapa-Socorro sa Surigao, Adriano Savillo ng Iloilo City, Domingo Casiple ng Aklan at Antonio Reyes ng Baguio City.