-- Advertisements --

Naniniwala ang isang accredited lawyer ng ICC na malabong ipag-utos ng Korte Suprema na ibalik ng Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ngayon ay nasa kustodiya na ng International Criminal Court.

Ginawa ni Atty. Joel Butuyan ang pahayag kasunod ng patuloy na panawagan ng mga taga suporta ng dating pangulo na ibalik ito sa bansa.

Sa ngayong kasi ay nakabinbin parin sa Korte Suprema ang consolidated habeas corpus petition na inihain ng magkakapatid na Duterte kamakailan na kumikwestyon sa legalidad ng pag-aresto kay Duterte at sapilitang pagpapadala nito sa The Hague , Netherlands.

Ayon sa abogado, walang kakayahan ang SC na magpalabas ng utos na hindi bahagi ng kaso.

Giit pa nito na walang hurisdiksyon ang Korte Suprema sa International Criminal Court lalo na sa usapin ng pagpapauwi sa dating pangulo mula sa hurisdiksyon ng international organization.