Naglabas na ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court (SC) laban sa Commission on Elections (Comelec) at sa tagapagsalita nitong si James Jimenez kaugnay sa ipinatutupad na “Oplan Baklas” ng komisyon.
Ayon sa Supreme Court, ito ay resulta ng isinagawang en banc deliberations ng mga mahistrado ng korte.
Kaugnay ito ng naunang inihaing petisyon sa SC na kumukuwestiyon sa Oplan Baklas ng Conelec sa umano’y mga iligal na tarpaulin ng mga kandidato noong Halalan 2022.
Noong isang linggo, naghain ng petisyon sa SC ang St. Anthony College of Roxas City at dalawa pang volunteer groups na tagasuporta ni Vice President Leni Robredo kung saan inihirit nila sa SC na maglabas ito ng TRO laban sa Comelec Resolution 10730.
Partikular dito ang ilang probisyon nito na nag-uutos sa mga tauhan ng Comelec na baklasin ang mga campaign materials na ikinabit ng mga hindi naman kandidato kahit pa nakalagay ang mga ito sa kanilang private property.
Inihirit din ng mga petitioner sa SC na atasan ang Comelec na isauli o ibalik sa mga may-ari ng pinagbabaklas na tarpaulin ang mga kinumpiskang campaign materials.
Bukod sa St. Anthony College, tumatayong petitioner din sa kaso sina Dr. Pilita De Jesus Licerlde, isa sa mga convenor ng Isabela for Leni; at Dr. Anton Mari Hao Lim – convenor naman ng Zamboangeños for Leni.
Binigyan ng SC ang Comelec ng 10-araw para magkomento sa isyu.
Noong February 17, 2022 nang simulan ng Comelec ang kanilang nationwide campaign na Oplan Baklas laban sa mga oversized posters at mga campaign paraphernalia na wala sa itinakdang common poster areas.