Pansamantalang itinigil ng Supreme Court (SC) ang pagpapatupad ng disqualification order na ipinataw ng Commission on Elections (Comelec) laban sa limang lokal na kandidato.
Sa magkahiwalay na kautusan, naglabas ang SC ng temporary restraining order (TRO) laban sa diskwalipikasyon ni dating Caloocan Representative Edgar Erice na tumatakbo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Caloocan City.
Bukod kay Erice, ang iba pang kandidatong nakakuha ng TRO laban sa kanilang disqualification ay sina Subair Guinthum Mustapha, Charles Savellano, Chito Bulatao Balintay at Florendo de Ramos Ritualo, Jr.
Si Mustapha, isang senatorial aspirant, at Savellano, na tumatakbo bilang kinatawan ng 1st District ng Ilocos Sur, ay idineklarang mga nuisance candidate.
Sa kabilang banda, nagsampa ng petisyon si Balintay na isang miyembro ng mga katutubo ng Zambales, na humahamon sa resolusyon ng Comelec na tinanggihan ang kanyang aplikasyon para tumakbo bilang gobernador ng Zambales. Gaya ni Balintay, hinamon din ni Ritualo Jr. ang resolusyon ng Comelec, na nagkansela ng kanyang certificate of candidacy para tumakbo bilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng unang distrito ng San Juan City.
Binigyan ng SC ang Comelec ng hindi lagpas sa 10 araw para magkomento sa petisyon ni Erice, habang ang poll body ay may limang araw mula ng matanggap ang notice para magkomento sa mga petisyon nina Mustapha, Savellano, Balintay, at Ritualo.
Sinabi ni SC spokesman Camille Sue Mae Ting na ang TRO na inisyu ng Comelec pabor kay Erice at iba pang mga disqualified candidate ay nangangahulugan na dapat ibalik ang kanilang mga pangalan sa mga balota.