Naglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema laban sa resolution ng Commission on Elections (Comelec) na i-diskwalipika ang tatlong opisyal sa paglahok sa halalan.
Ayon kay Supreme Court spokesperson Camille Ting, kabilang sa mga ito ay sina Mandaue City Mayor Jonas Cortes, dating Albay Governor Noel Rosal at Cebu City Mayor Michael Rama na dinismiss ng Ombudsman at pinagbawalan ng tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Ayon pa kay Atty. Ting, sinabi nina Rosal, Rama, at Cortez na ang desisyon ng Ombudsman laban sa kanila ay hindi pa pinal at executory dahil ito ay napapailalim pa rin sa apela.
Inatasan naman ang Comelec na magkomento sa mga petisyon sa loob ng hindi lagpas sa 10 araw mula ng matanggap ang notice.
Una na ngang sinuspendi si Rama matapos mapatunayan ng Ombudsman na guilty ito sa nepotismo at grave misconduct at sinampahan din ng kasong graft and corruption.
Si Cortes naman ay may kinakaharap na administrative complaint habang si Rosal ay inakusahan ng unlawful appointments at reassignments ng ilang empleyado pagkatapos ng May 2022 elections.