Muling nagbabala ang Supreme Court (SC) na umuupong Presidential Electoral Tribunal (PET) kina dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., Vice President Leni Robredo, at sa kanilang mga abugado laban sa pagtalakay nila ng nakabinbing election protest ni Marcos sa publiko.
Pahayag ito ng PET isang araw matapos ang paghahain ni Marcos ng panibagong mosyon sa tribunal at kalaunan ay ipinaliwanag ito sa isang online press conference.
Bilang tugon sa naging hakbang ni Marcos, naglabas naman ng statement ang kampo ni Robredo.
Giit ng PET, hindi angkop na venue ang mga media outlets upang talakayin ang kanilang kaso.
“The parties, their counsels and their agents are sternly warned that any more violation of this order shall be dealt with more severely,” saad sa pahayag.
Ipinaalala ng PET sa kampo nina Marcos at Robredo ang sub judice rule, na nagbabawal sa pagkokomento sa mga kasong naka-pending sa korte.
Kung maaalala, noong 2018 ay inatasan ng electoral tribunal ang kampo nina Marcos at Robredo na magbayad ng P50,000 na multa dahil sa paglabag sa sub judice rule.
Kamakailan din nang pinag-iinhibit ni Marcos si Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen sa pagtalakay sa kaniyang election protest.
Iginiit ni Marcos sa pamamagitan ng kaniyang mga abogado na bias umano si Leonen sa Pamilya Marcos na una nitong ipinakita sa ipinalabas na dissenting opinion sa isyu ng paglilibing sa dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.