-- Advertisements --

Naglabas na ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema para  pigilan ang Commission on Elections sa pag disqualify sa kandidatura ni dating  Caloocan City 2nd District Representative Edgar Erice.

Si Erice ay una nang naghain ng kanyang kandidatura sa tangka nitong pagbabalik sa House of Representatives sa pamamagitan ng eleksyon ngayong taon.

Batay sa desisyon ng Korte Suprema, inatasan nito ang poll body na magbigay ng komento sa petisyon ni Erice sa loob ng sampung araw mula ng matanggap nito ang notice.

Una nang diniskwalipika ng komisyon si Erice dahil sa mga nauna umano nitong hakbang na makakasira sa proseso ng halalan.

Kung maaalala, naghain ng petisyon ang kampo ni Erice sa SC noong Abril at hiniling na pigilan ng Korte Suprema ang poll body sa pag-iimplementa ng  P17.9 billion Automated Election System na kontrata nito sa Miru Systems Co. Ltd at mga partners nito para sa 2025 midterm elections.

Punto ni Erice na nilalabag ng naturang kontrata ang ilang probisyon ng Republic Act 7369 o Automated Election Law partikular na ang probisyon ng batas na may kinalaman sa bidding procedures at paggamit ng prototype machines tuwing halalan.

Enero ng taong ito ng simulan ng Comelec ang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin sa halalan at hindi dito kasama ang pangalan ni Erice.

Dahil dito, maoobliga ang komisyon na itigil ang nagpapatuloy na pag-imprenta dahil sa pangangailangan na isama ang pangalan ni Erice sa balota alinsunod sa kautusan ng Korte Suprema.

Top