Naglabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) na pumipigil sa Commission on Elections (Comelec) na ipatupad ang pagkansela sa Certificate of Candidacy (COC) ni Jonas Cortes para sa pagka-Mayor ng Mandaue City, Cebu sa 2025 national at local elections.
Pinigilan din na tanggalin ang kanyang pangalan sa listahan ng mga kandidato para sa nasabing posisyon.
Habang inutusan ng SC ang Comelec at ang nagngangalang Ervin Estandarde na magkomento sa petisyon sa loob ng 15- araw.
Maaalalang naghain ng petisyon si Cortes para sa certiorari sa SC matapos tanggihan ng Comelec ang kanyang mosyon para sa reconsideration hinggil sa pagkansela ng kanyang COC.
Habang humingi rin ang kampo ni Cortes ng injunction at status quo ante order, at ipinahayag ni Atty. Calipayan, na kumakatawan sa kanya, ang pagasa matapos pagbigyan ng Korte Suprema ang limang iba pang naghain ng petisyon para sa kanilang mga TRO, na nagpapakita aniya ng kahandaan ng SC na makialam kapag may nakitang problema sa mga desisyon ng Comelec.
Ang hakbang na ito ay nagpapakita ng patuloy na mga legal na hamon kaugnay ng mga desisyon ng Comelec at ang kahalagahan ng hudikatura upang pangalagaan ang proseso at karapatan ng mga kakandidato.