-- Advertisements --

Naglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema ngayong araw ng Biyernes, Enero 17, 2025, laban sa desisyon ng Commission on Election (Comelec) na harangin ang tatlong kandidatura ng ilang mga tumatakbo sa halalan 2025.

Kabilang sa dinesisyunan ng En Banc session ng SC ang pagka diskwalipika ng Comelec kay Marie Grace R. David na humalili at maisama sa opisyal na listahan ng mga kandidato sa pagka-bise mayor ng Limay, Bataan.

Dahil dito iniutos ng SC na mgsumite ang Comelec ng personal filing nito at magkomento sa kanilang petisyon ng 15-araw.

Bukod kay David pinaburan din ng SC ang kandidatura ni Mary Dominique A. Oñate matapos i-diskwalipika ng Comelec bilang isang nuisance candidate para sa pagka-mayor ng Palompon, Leyte.

Inatasan rin ng Korte ang Comelec at ang nagngangalang si Myra Georgina L. Arevalo para magkomento sa petisyon ni Oñate sa loob ng 10-araw.

Dagdag nito pinigilan naman ng SC ang Comelec na burahin ang pangalan ni Aldrin B. Sta. Ana matapos kansilahin ng Comelec ang kandidatura nito bilang mayor ng Bocaue, Bulacan.

Pinagpapaliwanag naman ng SC ang Comelec at si Arturo P. Mendoza, Jr. ng 10-araw para magkomento sa petisyon ni Sta. Ana.

Samantala, maaalalang binigyang diin ng Korte Suprema na hindi dapat awtomatikong ituring na isang ‘nuisance’ candidate ang isang indibidwal dahil lamang sa kulang ito ng pondo para sa isang National o Local election.

Nilinaw ng SC na ang isang ‘nuisance candidate’ ay isang kandidato na naghain ng kandidatura upang pagtawanan o guluhin ang proseso ng halalan.

Ipinaliwanag pa ng Korte na ang mga salik tulad ng kakayahang pinansyal, party affiliation, national recognition, at posibilidad ng tagumpay ay hindi dapat ituring na batayan upang matiyak na ang kandidato ay seryoso sa pagtakbo.

Ipinahayag pa ng SC na dapat magbigay ang Comelec ng ebidensya na ang isang kandidato ay hindi seryoso na tumakbo para sa opisina upang maituring siyang nuisance candidate.