-- Advertisements --

Itinakda ng Korte Suprema sa Abril 1, 2025, alas-22:00 ng hapon, sa Supreme Court Baguio Session Hall ang pagdinig sa petisyong kumukwestiyon sa Constitutionality ng RA No. 12116 o ang General Appropriations Act of Fiscal Year 2025 (GAA).

Inihain ang petisyon nina Atty. Victor D. Rodriguez at iba pa, na naninindigan na ang GAA ay labag sa Konstitusyon dahil hindi ito naglaan ng mandatory funding para sa PhilHealth.

Labag din umano sa batas ang pagtaas ng mga appropriation nang higit pa sa rekomendasyon ng Pangulo at naglaan ito ng pinakamataas na budget sa imprastraktura imbis na sa edukasyon.

May mga blangko din umano sa Bicameral Committee Report on the General Appropriations Bill.

Ang preliminary conference ay itinakda naman sa Pebrero 28, 2025, 1:00 P.M. sa Session Hall, SC Main Building, Manila.

Samantala, sa Abril 22, 2025, alas-2:00 ng hapon, naman nakatakdang dinggin sa Supreme Court Baguio Session Hall ang petisyong inihain ni Sen. Aquilino Pimentel III laban kay Executive Sec. Lucas L. Bersamin, et al. na kumukwestiyon sa bisa ng Republic Act No. 11954, o ang Maharlika Investment Fund Act of 2023.

Hiniling din ng petisyon na maglabas ang Korte ng temporary restraining order at writ of preliminary injunction.

Isinama ng Korte bilang mga respondent sa kaso ang Bangko Sentral ng Pilipinas at government banks at inatasan ang mga ito ng maghain ng kani-kanilang mga komento sa loob 10 araw.

Ang preliminary conference ay itinakda sa February 26, 2025, alas-2:00 ng hapon sa Session Hall, SC Main Building, Manila.