-- Advertisements --

Inatasan ng Korte Suprema (SC) ang Kamara de Representantes na magkomento sa petisyon na inihain ng mga vlogger at social media influencers na kumukuwestiyon sa legalidad ng imbestigasyon sa umano’y pagpapakalat ng fake news at malisyosong content sa mga social media platform.

Sa isang mensahe, sinabi ni SC spokesperson Atty. Camille Ting na minandato ng korte ang mga respondent na magkomento nang hindi lalagpas sa 15 araw mula ng matanggap ang notice.

Kabilang sa mga petitioner sina dating Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, Krizette Laureta Chu, Sass Rogando Sasot, Mark Anthony Lopez, Lorraine Marie Badoy-Partosa, Jeffrey Almendras Celiz (Eric Celiz), Dr. Richard Mata, Ethel Pineda Garcia, Joie De Vivre (Elizabeth Joi Cruz), Aaron Peña at Mary Jean Reyes.

Batay sa petisyon ng mga ito, kanilang iginiit na nilabag ng isinagawang inquiry ng House Tri Committee ang kanilang constitutional rights para sa malayang pananalita, pagpapahayag at kalayaan sa pamamahayag.

Nauna naman ng dumipensa ang isa sa respondents sa petisyon na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na hindi intensiyon ng joint panel na supilin ang kanilang freedom of speech o expression, sa halip, nais lamang aniya na mapangasiwaan ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa social media.

Matatandaan na isa si Cong. Barbers sa naging punterya ng fake news sa social media kung saan isinasangkot siya sa illegal drugs. Naglipana ito sa kasagsagan ng imbestigasyon sa mga iligal na aktibidad sa bansa kabilang ang kontrobersiyal na Philippine offshore gaming operators (POGOs), illegal drug trade, at extrajudicial killings sa war on drugs ng nakalipas na Duterte administration.