-- Advertisements --

Binigyan lamang ng Korte Suprema ang pamahalaan ng 10 araw para magkomento sa petisyong kumukuwestiyon sa $62-million Chico River irrigation project loan agreement ng Pilipinas sa China.

Ayon kay Supreme Court (SC) Spokesman Bryan Hosaka, sa isinagawang en banc session sa Baguio City ay napagkasunduan ng mga mahistrado na bigyan ng 10 araw para sumagot ang Malacañang sa naturang petisyon.

Magugunitang naghain ng petisyon noong isang linggo ang grupo ng oposisyon sa kamara at hiniling na maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema para maobliga ang pamahalaan na itigil ang implementasyon ng nasabing proyekto, ideklarang unconstitutional at ipawalang bisa ang kontrata.

Tumatayong respondents sa petisyon sina Pangulong Rodrigo Duterte, Executive Secretary Salvador Medialdea, Justice Secretary Menardo Guevarra at iba pang miyembro ng gabinete.

Naniniwala ang mga petitioners na ang biglaang implementasyon ng loan agreement ay paglabag sa konstitusyon kaya dapat na ipawalang bisa.

Kwestiyonable rin anya ang confidentiality ng kontrata na isang paglabag sa 1987 constitution na dapat sana ay tinitiyak o pinoproteksiyunan ang karapatan ng sambayanan na malaman ang mga nakapaloob sa kontratang pinapasok ng pamahalaan.