-- Advertisements --

Pinapasagot ng Supreme Court (SC) ang Senado sa mandamus petition na inihain ng grupo ni dating Presidential Commission on Good Government special government counsel, Catalino Generillo Jr.

Inihain ang naturang petisyon upang hilingin sa Korte Suprema na atasan ang Senado na agad simulan ang trial dahil sa hindi pinapayagan ng saligang batas na idelay ito, kahit pa naka-break ang Mataas na Kapulungan.

Sa naging kautusan ng SC ngayong araw, inaatasan nito ang Senado na magsumite ng komento sa loob ng sampung araw nang walang extension.

Ayon kay SC spokesperson Camille Sue Mae Ting, kahapon(Feb. 17) ay na-raffle ang naturang petisyon at agad din itong naisama sa agenda ng SC ngayong araw.

Una nang nanindigan si Senate Pres. Francis Escudero na walang mangyayaring impeachment trial habang naka-break ang Senado, bagay na kinukuwestiyon din ng ibang mga legal luminaries at mga kongresista.

Ngayong araw ay inihain din ng ilang mga Mindanaoan lawyer sa pangunguna ni Atty. Israelito Torreon ang Petition for Certiorari and Prohibition upang kuwestyunin ang legalidad at ang naging proseso sa pag-usad ng impeachment complaint laban kay VP Sara.