Pinagkokomento ng Korte Suprema sina PBBM, Executive Secretary Lucas Bersamin, at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan para sagutin ang petisyon na komukwestiyon sa constitutionality ng Executive Order (EO) 62, na nagpapababa sa taripa ng bigas.
Kabilang din sa mga pinapasagot ay sina National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan, at Tariff Commission Chairperson Marilou Mendoza.
Ayon kay SC spokesperson Camille Ting, kailangang mailatag ng mga naturang opisyal ang kanilang sagot sa loob ng sampung araw.
Hulyo-4, 2024 noong naghain ang mga farmer group ng petisyon sa Korte Suprema laban sa EO-62.
Sa naturang petisyon ay hinihiling nila ang paglalabas ng TRO upang harangan ang tuluyang pagpapatupad sa EO-62.
Gayunpaman, wala pang inilalabas na TRO bago pa man pinagkokomento ang pamahalaan ukol sa naturang petisyon.
Ayon naman kay Solicitor General Menardo Guevarra, mananatili pa rin ang bisa ng EO 62 hangga’t hindi naglalabas ang SC ng TRO.
Maalalang ikinakatwiran noon ng grupo ng mga magsasaka ang umanoy naging madaliang pagpapalabas sa EO-62 nang hindi man lang nagsasagawa ng konsultasyon at hearing salig sa itinatakda ng batas.
Una na ring sinabi ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na pinag-aaralan nito ang paghahain ng kasong administratibo at kriminal laban sa ilang opisyal na naging bahagi ng ipinapatupad na EO 62.
Ang pagpapababa sa taripa ng inaangkat na bigas ay bahagi ng pagnanais ng pamahalaan na mapababa ang presyo ng bigas sa bansa nang hanggang P5.00 kada kilo.
Gayonpaman, pinupuna ng maraming grupo ng mga magsasaka ang naturang hakbang dahil sa posible umanong sasamantalahin din lang ito ng mga importer, maging ang mga bansa kung saan inaangkat ang mga bigas.