Kasabay ng pagsisimula ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2025 midterm elections, naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order o TRO laban sa pagpapatupad sa section 11 ng COMELEC Resolution No. 11045 na nagpapahintulot sa mga opisyal na manatili sa pwesto kahit pinangalanan na silang party-list nominee.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting, agad na magiging epektibo ang naturang TRO.
Aniya, ayon sa korte dapat sundin muna ng lahat ng mga partido ang status quo kung saan ang mga public appointive official ay itinuturing na nagbitiw sa pwesto sa oras na maghain sila ng kanilang certificate of candidacy.
Binigyan ng Korte Suprema ang Comelec ng non-extendible na 10 araw para magsumite ng mga komento sa petisyon ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal.
Una na kasing hiniling ni Macalintal sa SC na ideklarang null and void ang naturang probisyon dahil labag umano ito sa konstitusyon at hiniling din ang TRO para dito.