Ipinag-utos ngayon ng Korte Suprema sa Manila City Regional Trial Court (RTC), Branch 5 na muling buhayin ang criminal case kabilang na ang kasong reckless imprudence laban sa opisyal ng Sulpicio Lines, Inc. (SLI).
Ang kaso ay may kaugnayan sa 2008 M/V Princess of the Stars tragedy na nagresulta sa pagkamatay ng 227 na pasahero nito.
Sa 20-pahinang desisyon na isinulat ni Justice Jose C. Reyes, Jr., pinagbigyan ng Supreme Court (SC) Third Division ang consolidated petitions at binaliktad naman ang March 22, 2013 decision at ang January 8, 2014 resolution ng Court of Appeals (CA).
Ang naturang desisyon at resolusyon ay pumapabor sa respondent na si Edgar S. Go, SLI First Vice-President for Administration at team leader ng Crisis Management Committee.
Noong 2009, pormal na kinasuhan ng Department of Justice (DoJ) panel si Go kasama ang ilang personalidad ng reckless imprudence sa Manila RTC.
Lumalabas sa imbestigasyon ng DoJ panel na kasama si Go sa paggawa ng desisyon kung papayagan bang maglayag o hindi ang kanilang barko dahil sa sama ng panahon noon.