Inatasan ngayon ng Supreme Court (SC) ang lahat ng mga litigants at mga court personnel sa mga first at second level courts at mga miyembro ng bar na magsagawa pa rin ng raffle sa mga kaso.
Una rito, ang usual na electronic raffle ng mga kaso sa mga e-court stations ay tuloy pa rin kahit pa ang stations ay nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) o enhance community quaratine (ECQ).
Sakali namang hindi uubra ang electronic raffle sa mga e-courts stations sa ilalim ng mga lugar na naka-ECQ, kailangang gawin ang raffle ng kaso sa pamamagitan ng videoconferencing.
Bagamat tinanggal na rin ang suspensiyon ng raffle ng mga bagong kaso sa mga lugar na isinailalim na sa GCQ, nanatiling suspended ang pagsasagwa ng raffle ng kaso sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng ECQ.
Kaya naman dahil sa ECQ ay naipon ang mga kasong kailangang i-raffle.
Base sa Office of the Court Administrator (OCA) Circular 94-2020 na pirmado ni Court Administrator Jose Midas Marquez, matapos ang isinagawang konsultasyon kay Chief Justice Diosdado Peralta, napagdesisyunan na payagan nang muli ang pagsasagawa ng mga raffle ng kaso kahit pa sa ilalim ng ECQ subalit ito ay isasagawa sa pamamagitan ng videoconferencing.
Ayon sa OCA, sa loob ng tatlong araw mula ng maisagawa ang raffle ng kaso, kailangang maibigay na rin ang minutes ng isinagawang raffle sa mga mga miyembro ng raffle committee para sa kanilang review, counter checking ng mga sarili nilang notes at verification ng iba pang mahalagang impormasyon.
Kapag natapos na ang raffle ng kaso, kailangang maibigay din ang resulta nito sa branch ng korte kung saan napunta ang kaso at sa loob ng 24-oras ay kailangang magreport ang branch clerk of court sa Office of the Executive Judge.