Hindi pa umaaksyon ang Korte Suprema (SC) sa kahilingan ng Department of Justice (DOJ) na ilipat ang mga pagdinig sa korte sa kasong child abuse laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy at sa kanyang mga kapwa akusado mula sa Davao City Regional Trial Court sa Metro Manila.
Ayon kay SC spokesperson Camille Ting hinihintay pa ng mga mahistrado ang rekomendasyon ng Office of the Court Administrator.
Paliwanag pa ni Ting, ang Office of the Court Administrator habang ang SC ang siyang magbibigay ng pinal na desisyon kung papalitan ang venue ng pagdinig ng kaso ng Pastor.
Ginawa ni Ting ang paglilinaw matapos sabihin ni DOJ Assistant Secretary at spokesperson Jose Dominic Clavano sa isang press briefing sa Malacañang na inilipat na ang kaso ng Davao sa Pasig City Regional Trial Court.
Si Quiboloy ay nahaharap sa mga kasong child abuse sa Davao court at human trafficking sa korte sa Pasig.
Ang parehong korte ay naglabas ng magkahiwalay na warrant of arrest laban sa pinuno ng KOJC.
Sa briefing sa Palasyo kahapon, inihayag ni Clavano na inaprubahan ng Mataas na Hukuman ang kahilingan ng DOJ na ilipat ang hurisdiksyon ng mga kaso sa Davao laban kay Quiboloy sa Pasig City upang payagan ang parehong prosecution team na humawak sa dalawang kaso.
Nang maglaon, sinabi niya na ang mga kaso sa Davao ay maaaring ilipat sa isang hukuman sa Quezon City dahil masikip na ang mga korte sa Pasig City.