-- Advertisements --

Nahuli ng Bureau of Immigration (BI) ang ilang mga foreign nationals na sangkot umano sa operasyon ng online scamming.

Kung saan, 86 ang kanilang naaresto kabilang ang 82 Chinese, 3 Malaysians at isang Vietnamese matapos i-raid ng kawanihan ang isang condominium sa Brgy. Pio del Pilar, lungsod ng Makati.

Sa isinagawang operasyong ito, katuwang ng Bureau of Immigration’s Fugitive Search Unit ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detecttion Group, National Capital Region Field Unit.

Ayon sa mission order na inisyu ni BI Commissioner Joel Anthony Viado, ikinasa ang naturang pagsalakay matapos nilang makatanggap ng intelligence information na mayroon raw scam hub na sapiliting pinagtatrabaho ang ilang dayuhan bilang scammers.

Napag-alamang nagtatrabaho sa kanilang mga iba’t ibang computer stations ang mga foreign nationals at nang mahuli ay wala man lamang silang maipakitang dokumento.

Kulang umano sa ligal na papeles ang mga dayuhan na makapagpapatunay na maari silang magtrabaho sa bansa o manatili at manirahan sa Pilipinas.

Giit naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang presensya ng mga foreign nationals na walang proper documents at nagsasagawa pa ng iligal na gawain ay maituturing bilang paglabag sa batas at banta sa seguridad ng bansa.

Base naman sa paunang ulat, ibinahagi ng CIDG na ang mga sindikatong nasa likod nito ay gumagamit ng e-commerce at love scam tactics upang makapambiktima at iligal na kumita ng pera.

Sa kasalukuyan ay planong mai-turn over na sa BI Warden’s Facility sa loob ng Camp Bagong Diwa, Taguig City ang mga naturang dayuhan.