Iniimbestigahan na raw ng Department of Trade and Industry (DTI) ang reklamo laban sa online retailer na Shopee dahil sa scam umano nito kaugnay ng meet and greet event ng Korean girl group ng Blackpink nitong Huwebes.
Sa isang panayam sinabi ni DTI Sec. Ramon Lopez, kailangang maprotektahan ang mga consumer mula sa ano mang uri ng sistema, gayundin na malaman ang puno’t dulo ng insidente.
Batay sa naunang ulat, ilang fans ng Blackpink ang nagreklamo dahil naloko umano sila ng online contest ng retailer brand.
Nakasaad daw kasi doon na kung sino ang Top 40 na may pinaka-maraming mabibiling item ay magkakaroon ng pribilehiyo na makalapit at makapag-autograph sa mga miyembro ng grupo.
Pero nabatid na libre pala sa publiko ang meet and greet ng Blackpink.
Bukod dito, inireklamo rin ng mga fans ang biglang pagbabago sa mechanics ng contest.
Paliwanag ni Lopez, kailangang dumaan sa DTI ang ano mang uri ng promo o contest lalo na’t may kinalaman ito sa interes ng mga consumer.
Sa ngayon tinitingnan na raw ng kagawaran kung ano ang parusa na maaaring kaharapin ng Shopee o kung mare-refund pa ng mga biktima ang kanilang gastos sa sinasabing scam.