-- Advertisements --

KORONADAl CITY – Nakakulong na ngayon ang sa lock-up cell ng Koronadal City PNP ang umano’y scammer na nagpapakilalang empleyado ng Department of Interior and Local Govrnment (DILG) 12 at nangongolekta ng pera sa mga kukuha ng Civil Service Exam, matapos na maaresto sa isinagawang entrapment operation ng mga otoridad.

Kinilala ang suspek na si Kenneth H. Eliver, 23 anyos at residente ng Purok Andam, Barangay Cinco, Banga, South Cotabato.

Isa sa mga biktima na si Mary Ann Membrere, 32 anyos na residente ng Brgy. Colongolo, Surallah, South Cotabato ang lumapit sa Provincial Intelligence Unit ng South Cotabato PPO upang mahuli sa entrapment operation si Eliver.

Nagkita ang suspek at biktima sa isang kainan sa Brgy. Zone 2, Koronadal City at doon nahuli sa akto ang suspek na tinatanggap ang Php 3,000 na pera mula sa biktima kapalit ng kanyang pangakong papasa agad ito sa Civil Service Exam.

Sa exclusive interview naman ng Bombo Radyo Koronadal sa ilang mga biktima na pawang mga criminology students, gayundin ang ipinangako sa kanila ni Eliver, ngunit hindi ito natupad.

Sa katunayan, hindi sila nakakuha ng exam noong nakaraang Agosto 20,2023.

Maliban sa pangongolekta ng pera sa mga kumukuha ng exam, nagproproseso din umano ang suspek ng drivers license at nagpapakilala din na empleyado ng Land Transportation Office (LTO) 12, ngunit ganoon din ang nangyayari,nangongolekta lamang ng pera at di natutupad ang pangako nito.

Ayon naman kay DILG-12 Information Officer Arthur Condes, nakipag-ugnayan din ang kanilang tanggapn sa pulisya upang maimbestigahan at mahuli ang suspek dahil sa hindi lamang mga estudyante ang nabiktima nito kundi mga professionals din na nais kumuha ng board exams.

Kaugnay nito, nananawagan naman DILG-12 sa iba pang biktima ng suspek na lumabas at magsampa din ng kaso laban sa kanya.