BUTUAN CITY – Dalawang opisyal ng FRX Rice (Forex) Trading ang nagbunyag sa bonggang buying spree na ginawa ng kanilang founder at operator gamit umano ang milyon-milyong pisong pera ng mga investors.
Ito’y dalawang buwan matapos ang matagumpay na raid ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group sa safe house ni Dembir Celis sa Barangay Cubi-cubi sa bayan ng Nasipit nitong Hunyo 24, kung saan narekober ang P23 milyong cash, money-counting machines, at ilang log books.
Ayon kay Mark Clinton Chavez, isa sa limang directors ng FRX na siyang nagpapatakbo sa kanilang operasyon sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur, base sa kanyang nalalaman, bumili si Celis ng dalawang brand new sport utility vehicles (SUVs), isang beach resort sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte, at isang bahay sa sentrong bahagi ng naturang bayan gamit ang pera ng mga investors.
Ito’y maliban pa sa engrandeng birthday party ng kanyang anak na babae na isinagawa sa Butuan City kung saan P2 milyon daw ang ginastos nito, hindi pa kasali ang tig-P5,000 papremyo niya sa mga parlor games at mamahaling perfumes bilang mga giveaway.
Inihayag naman ng isa pang opisyal na si Rowena Goloran na nakabili rin si Celis ng isang brand new pickup truck at isa pang SUV, mga sasakyan at iba pang properties na ipinaminigay lang nito sa kanyang mga kaanak.
Hanggang sa ngayo’y nananatiling at-large si Celis na nahaharap sa mga kasong syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code