Kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology na kayang malusutan ng mga scammers ang ipanatutupad na SIM registration sa kanilang panloloko.
Kung saan, sinabi mismo ng kalihim ng naturang kagawaran na si Secretary Ivan John Uy na ang mga scam ngayon ay kadalasang matatagpuan sa mga ilehitimong text messages.
Paliwanag niya, mayroon kasing device na ginagamit ang mga manloloko upang makadiretso sa cell sites ng mga telecommunications.
Dahil dito, hindi na kailangan pang gumamit ng sim card sa pang-i-scam nila ngayon sa publiko.
‘Ang ginawa nitong mga kriminal, umiwas ngayon sa SIM card. Ang ginawa nila is gumamit sila ng IMSI catchers na hindi na papasok sa network ng telcos so walang sim card na kailangan,’ ani Secretary Ivan John Uy ng Department of Information and Communications Technology.
Kaya naman ang mga scammers na nakalusot sa SIM registration ay gumagamit na ng mga ilehitimong pangalan na natatanggap naman ng karamihan sa mga text messages.
Pahayag pa ni Secretary Ivan John Uy, ang mga scammers na ito ay kadalasang nagpapanggap bilang account ng mga bangko at pati na rin bilang ahensiya ng gobyerno para lamang makapanloko.
Sa huli, nagpapaala ang naturang kalihim ng kagawaran na huwag i-click ang kahit anong link na kasama sa mga natatanggap na text messages.