Binigyang-linaw ng Department of Education ang ilang mga kumakalat na misconceptions o maling akala tungkol sa nalalapit na pabubukas ng klase sa buwan ng Agosto.
Sa isang virtual briefing, sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na kagaya ng kanilang anunsyo noon pang buwan ng Mayo, hindi pa rin nagbabago ang petsa ng pagbubukas ng klase, na itinakda sa Agosto 24.
Habang ang mga private schools aniya ay malaya namang makapamili ng petsa ng kanilang school opening, pero kailangang ipaliwanag ito ng mga school administrators.
“Ang private schools, may kaluwagan dahil may private schools na may college studies and offerings na nagsasabay. Kaya may iba na September pa nagbubukas. Pero, of course, they will be justifying this since ang batas nagsasabi na hanggang last day of August lang ang school opening,” wika ni Briones.
Maliban dito, pinabulaanan din ng kalihim ang mga haka-hakang online lamang ang tanging opsyon para sa pagsasagawa ng klase para sa school year.
Ayon kay Briones, gagamitin ang ilang mga modalities sa pagtuturo, tulad ng printed o digital modules, online learning resources gaya ng DepEd Commons, at ang television or radio-based instruction.
Nanindigan din ang kagawaran na walang mangyayaring face-to-face classes sa buong bansa hangga’t hindi pa nagiging ligtas ang sitwasyon.
“Sinasabi ko pa nga ‘yan na wala tayong face-to-face na klase hanggang it will be safe to do so by the Department of Health, Inter-Agency Task Force, and itong si Pangulong [Rodrigo] Duterte.” anang kalihim.
Samantala, umabot na sa 16.6-milyon ang mga enrolees sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Sinabi ni Sec. Briones, 15.8-milyon ang mga nagpatala sa mga public schools, habang mahigit 706,000 naman ang nagpa-enroll sa mga private schools.