Iginiit ng Department of Education (DepEd) na hindi magbabago ang kanilang pasya na buksan ang klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa sa Agosto 24.
Sa harap pa rin ito ng kabi-kabilang mga pagtutol ng iba’t ibang mga sektor na nananawagang iurong ang school opening sa gitna ng coronavirus pandemic.
Sa isang virtual press briefing, tiniyak ni DepEd Sec. Leonor Briones na sa pagbubukas ng klase ay walang mangyayaring face-to-face classes at blended learning ang gagamiting approach para sa mga estudyante.
Wala rin aniyang sinabi ang Pangulong Rodrigo Duterte na babaguhin ang petsa ng pasukan, at ang alam daw nito ay sa susunod na taon pa papayagan ang limited na face-to-face learning sa piling mga lugar.
Inihayag ni Briones, kung ipagpapaliban ang school opening ay mahuhuli na raw tayo ng anim na buwan kumpara sa mga kalapit na bansa sa Southeast Asia.
Katunayan, tanging ang Pilipinas at Cambodia na lamang umano ang natitirang bansa na hindi pa nagbubukas ng klase.
Ayon pa sa kalihim, lumalabas sa ilang pag-aaral na nakakaapekto sa physical, social, at emotional status ng mga kabataan ang matagal na pagtigil sa pag-aaral.
Patunay rin aniya ang 22.9-milyong mag-aaral na nagpa-enroll sa pagnanais ng mga kabataang Pinoy na makapag-aral na sa kabila ng pandemya.
Ngayong Lunes, inilunsad ng DepEd ang National Dry Run ng Basic Education Learning Continuity Plan (BE-LCP) na may temang “Handang Isip, Handa Bukas” kung saan tampok ang mga paghahanda at mga bagong pamamaraan ng mga paaralan upang maitaguyod ang school year 2020-2021.