-- Advertisements --

LA UNION – Labis ang pagdadalamhati ngayon ng pamilya, mga kaibigan at katrabaho ng Public School Principal na si Roselyn Munio, residente ng Dr. Camilo Osias, Balaoan, La Union dahil sa di inaasahang pagkamatay nito matapos maaksidente ang minanehong motorsiklo bandang alas 8:00 umaga ng Lunes sa kahabaan ng provincial road sa Brgy. Cadapli, Bangar, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Police Staff Sergeant (PSSg.) Edward Peralta ng Bangar Police Station, sinabi nito na parehong direksiyon ang tinatahak ng motorsiklo ni Munio at ang traysikel na minaneho ni Edgar Gumangan, residente ng Central West #2 Bangar, La Union nang umano’y mag-overtake ang biktima at bigla namang nag-left turn ang traysikel, na naging dahilan ng banggaan ng dalawa.

Dahil sa lakas ng impact ng aksidente, nagtamo ng matinding sugat sa ulo at mata si Munio sa kabila na nakasuot ito ng helmet, na naging dahilan ng agarang pagkamatay ng principal.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, mag-rereport sana sa kanilang paaralan sa Cadapli ang nasabing principal nang mangyari ang aksidente, 50 metro na lamang mula sa kanilang eskuwelahan.

Ang bangkay ng biktima ay dinala na sa isang punerarya sa San Juan, La Union.

Samantala, ang respondent driver na nananatili sa kustodiya ng Bangar Police Station ay inaasahang sasampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide.