-- Advertisements --

CEBU CITY – Bumaliktad ang isang school van matapos itong binangga ng military truck sa sentro ng R. Cabahug at M. Logarta Street, lungsod ng Cebu nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang driver ng school van na si Romero Aurellos, 51 taong gulang, habang ang driver naman ng military truck ay kinilalang si Staff Sergeant Andres Rumbines.

Sa panayam ng Bombo News Team kay Police Staff Sargeant Mark Lester Calib-og, traffic investigator ng Cebu City Police, sinabi nitong mabilis ang takbo ng dalawang sasakyan nang pareho itong tumawid sa junction.

Base sa inisyal na imbestigasyon, inihayag ni Police Staff Sergeant Calib-og na tinangkang ihinto ni Staff Sergeant Rumbines ang minamaneho nitong military truck ngunit tuluyan na itong bumangga sa likurang dulo ng van.

Sampung katao ang sakay sa nasabing school van kung saan karamihan nito ay mga estudyante.

Agad namang isinugod sa ospital ang driver ng school van matapos itong nasugatan at nahirapan sa paghinga.

Habang dalawa sa mga estudyante ang isinugod sa ospital matapos itong nagtamo ng sugat.

Nabatid na papunta sana sa kanilang Christmas party ang mga nasabing estudyante kasama ang iilang mga guardians.

Sa ngayon, hinihintay pa ng imbestigador ang kompirmasyon sa estado ng sugatang drayber at mga estudyante.