Malaki ang kumpiyansa ng Philippine Football Federation na magagawa ng dalawang beterano ng Philippine Azkals na bitbitin ang national men’s team tungo sa tagumpay sa kanilang kampanya sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Pinangalanan na ng koponan sina Stephan Schrock at ang Malaysia-based na si Amani Aguinaldo bilang kanilang mga overaged players sa kompetisyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PFF presidente Mariano Araneta na tiwala sila sa abilidad ng dalawa para magbigay ng motibasyon sa national U-22 squad.
Partikular na tinukoy ni Araneta si Schrock na may leadership qualities na kayang pamunuan at bigyang inspirasyon ang mga batang Azkals.
“[Schrock] has the leadership quality to give inspiration to the young players,” wika ni Araneta.
Kabilang din sa koponan sina Justin Baas, Edison Suerti, Yrick Gallantes, Marco Casambre, Chima Uzoka, Jarvey Gayoso, Pocholo Bugas, Dylan de Bruycker, Mar Vincent Diano, Jordan Jarvis, Finn McDaniel, Christian Rontini, Troy Limbo, Jerome Marzan, Dennis Chung, JR Suba, Anthony Pinthus at Michael Asong.
Bahagi naman ng reserves sina AJ Arcilla, Poi Saldivar, Ivan Ouano, JB Borlongan, Jovan Marfiga, Dean Ebarle at Fritz Brigoli.
Una nang sinabi ni Araneta na asam nilang makapasok sa semifinals ang koponan, ngunit hindi rin nila isinasantabi ang posibilidad na masungkit ang gintong medalya.
Sa Nobyembre 25 mag-uumpisa ang men’s competition kung saan haharapin ng Azkals ang Cambodia sa Rizal Memorial Stadium sa lungsod ng Maynila.
Habang sa Nobyembre 26 naman sasagupain ng Malditas ang Myanmar sa Biñan Football Stadium sa lalawigan ng Laguna.