-- Advertisements --
Scottie Thompson GIns
Scottie Thompson

Binitbit ni Scottie Thompson ang Barangay Ginebra upang makalusot laban sa Meralco, 83-80, para umusad ang team tungo sa 2020 PBA Philippine Cup finals.

Makakaharap ng Gin Kings ang TNT Tropang Giga na una nang tinalo sa kahiwalay na semifinal game ang karibal na Phoenix na ginanap sa AUF Sports Arena sa Angeles City, Pampanga.

Ilang segundo na lamang ang natitira nang maipasok ni Thompson ang three point shot mula sa dulong kaliwang bahagi ng three point area.

Matapos ito, nawalan na rin ng oras ang Bolts upang mahabol pa ang kalamangan ng Ginebra sa makapigil hininga na laro.

Nagtapos ang five-year veteran na si Thompson sa kabuuang 20 points, 12 rebounds at seven assists, habang nanguna naman sa opensa si Stanley Pringle na may 23 puntos.

Ito ang unang pagkakataon ng Ginebra at ni coach Tim Cone na makatuntong muli sa All-Filipino title series na nangyari noon pang 2016.

Habang ito naman ang ikalawang sunod na babalik ang Barangay Ginebra sa finals.

Bago umusad ang Gins sa 3-2 win, pinahirapan din ito ng mga bata ni Bolts head coach Norman Black na nauwi pa sa tabla na may tig-dalawang panalo bago ang do-or-die game nitong Biyernes ng gabi.

Samantala ang finals best-of-seven series Game 1 ay magsisimula na sa Linggo.