image 679

Tuluyan nang sinibak sa puwesto ang isang screening officer sa Ninoy Aquino International Airport na nagnakaw na tsokolate mula sa isang pasahero.

Sa ulat ng Office for Transportation Security, ang dismissal order na ipinataw laban sa naturang officer ay epektibo mula noong Setyembre 23.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa insidenteng kinasangkutan nito noong Setyembre 13 kung saan kinuhanan nito ng tsokolate ang isang pasahero sa kasagsagan ng pag i-inspeksyon nito sa kaniyang bagahe.

Ayon kay Office for Transportation Security spokesperson Kim Marquez, idinepensa ng naturang personnel na ibinigay ito sa kaniya ng nasabing pasahero.

Ngunit gayunpaman ay nilinaw ng opisyal na mahigpit na ipinagbabawal sa kanila ang pagtanggap ng kahit na ano mula sa mga pasahero bilang bahagi ng kanilang “no gift/tipping” policy.

Dagdag pa ng opisyal, bagama’t wala pa silang natatanggap na anumang reklamo mula sa pasahero ay mayroon pa rin silang natanggap na ulat mula sa OTS supervisor ng nasabing empleyado na nag-udyok naman ng kanilang pag iimbestiga ukol dito.

Kung maaalala, una na ring naging kontrobersyal ang Office for Transportation Security matapos na maaktuhan ang isa pang tauhan nito na lumulunok ng USD300 na pinaniniwalang nakaw naman mula sa isang Chinese national na pasahero rin sa nasabing paliparan.