Naniniwala si Basilan Rep. Mujiv Hataman na malaki ang pakinabang ng mga mamamayan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung magkakaroon o bubuo ng isang screening committee upang matiyak na ang lahat ng mga appointment sa 80-seat na Bangsamoro Transition Authority (BTA) ay nakabatay sa merito, napatunayang kakayahan at hindi matatawaran na integridad.
Ito ay kung magpasya si Pang. Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ang kanyang kapangyarihan sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Sinabi ni Hataman na kaniyang iminumungkahi na masusing kilatisin ang sinumang maa-appoint dito sa Bangsamoro Transition Authority (BTA).
Sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law (BOL) ang BTA ay mayroong 80 miyembro na itinalaga ng pangulo na naunang nakatakdang maglingkod hanggang 2022, ang pagtatapos ng transition period.
Gayunpaman, pinagtibay ng 18th Congress ang Republic Act No. 11593 noong nakaraang taon, na nagpalawig ng transition period para sa gobyerno ng BARMM mula 2022 hanggang 2025 at ipinagpaliban ang 2022 BARMM elections.
Ayon sa bagong batas, maaaring gamitin ng Pangulo ang kanyang kapangyarihan para magtalaga ng mga bagong miyembro ng BTA.
Sinabi rin ni Hataman na ang “equitable representation” ay dapat isa sa mga pangunahing gabay na prinsipyo sa paghirang ng mga miyembro ng BTA, dahil naniniwala siyang ang lahat ng mga lugar, sektor at etnisidad ay dapat na maayos na kinakatawan sa BARMM transition government.
Nauna rito, iminungkahi ni Hataman ang isang midterm review ng mga nagawa ng BTA upang masuri kung saan makakapagbigay ang pambansang pamahalaan ng karagdagang suporta para sa mga inisyatiba ng transition body.
Giit pa ng Basilan solon na mahalaga na matiyak na maayos na pagpapatupad sa BOL sumasaklaw sa lahat ng larangan ng pamamahala na pinakamahusay na makikinabang dito ang mga tao ng BARMM.”