NAGA CITY – Nagsimula na ang screening committee sa pagpili ng mga naggagandahang dilag na bubuo sa Miss Bicolandia 2019.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Naga City Councilor Jose Perez, Vice chairman ng recruitment para sa naturang aktibidad, sinabi nitong 20 mga kandidata ang inaasahang mapipili sa gagawing screening.
Kasama sa ilang qualification guidelines ang dapat ipinanganak sa iba’t ibang lalawigan sa Bicol at residente ng lugar ng tatlong taon ang isang kandidata.
Samantala, masayang ibinahagi ni Perez na magkakaroon ng trip to Hong Kong o Singapore ang sinumang kandidatang kokoronahan bilang Miss Bicolandia ngayong taon.
Ang Miss Bicolandia, ang taunang ginagawa bilang bahagi ng Penafrancia Festival kung saan kasama sa mga produkto nito ang mga international beauty queens na sina Venus Raj, Dianne Necio, Elaine Kay Moll, Yvette Santiago, Bea Rose Santiago at Melody Gersbach.